Patuloy pa rin sa pag-aalburoto ang Bulkang Taal sa Batangas.
Sa 24-hour monitoring ng PHIVOLCS, umabot sa dalawang phreatic bursts ang naitala mula sa main crater ng Bulkang Taal.
May na-monitor ding siyam na volcanic earthquakes kabilang ang limang volcanic tremors sa bulkan na tumagal ng dalawang minuto.
Aabot naman sa 7,480 na toneladang sulfur dioxide ang inilabas ng Bulkang Taal, habang nagkaroon din ng malakas na pagsingaw na umabot sa 2,400 meters ang taas.
Sa ngayon ay nananatili pa rin sa Alert Level 1 ang Taal Volcano, at patuloy ang babala ng ahensya sa mga posibleng panganib sa bulkan kabilang ang biglaang pagsabog. | ulat ni Merry Ann Bastasa