Pasado na sa House Committee on Youth and Sports ang panukala para ideklara ang Abril bilang National Basketball Month.
Sa ilalim ng House Bill 8268, inaatasan ang Philippine Sports Commission (PSC), katuwang ang Philippine Olympic Committee, Department of Education, Commission on Higher Education, Games and Amusement Board, Department of the Interior and Local Government at mga national sports association na gumawa at magpatupad ng taunang programa ng aktibidad kaugnay ng pagdiriwang.
Kabilang dito ang pagkakaroon ng basketball event sa mga parke, pagdaraos ng inter-barangay, exhibition games, at libreng training, coaching, at officiating ng basketball.
Nilalayon ng panukala na kilalanin ang basketball at ang positibong epekto nito sa ating kultura at lipunan sa kabuuan.
Bibigyang diin din nito ang kahalagahan ng physical activity at malusog na pangangatawan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes