Pinabibigyan ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte ng buwanang allowance ang mga persons with disabilities (PWDs) na nagkakahalaga ng P2,000.
Sa lalim ng kaniyang House bill 8223 o Disability Support Allowance for PWD Act, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang aatasang magpatupad sa naturang programa.
Hahatiin naman ito sa tatlong phase.
Una ay ang pagbibigay ng allowance sa mga batang may kapansanan, matatanda na mayroong malubhang kapansanan, at mga tumatanggap ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps,) Social Pension for Indigent Senior Citizens, at mga katulad na programa ng gobyerno.
Matapos ang tatlong taon ay isasama naman sa programa ang mga mahihirap na PWD.
At sa susunod na tatlong taon ay ipatutupad ang Phase 3 kung saan lahat ng PWD na hindi pa kasali ay bibigyan na ng buwanang allowance.
Maaari ding itataas ang halaga ng ayuda depende sa pagtaas ng halaga ng mga bilihin.
Upang hindi maabuso ang mga magpapanggap na PWD ay maaaring patawan ng P25,000 hanggang P100,000 multa.
Batay sa 2016 National Disability Prevalence Survey, nasa 12% ng populasyon ng bansa ang PWD. | ulat ni Kathleen Jean Forbes