Nakikipag-usap na ang Department of Agriculture sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa magiging papel nito sa nakatakdang rollout ng food stamp program sa bansa.
Ayon kay DA Asec. Kristine Evangelista, kasama sa tinatalakay ang pagiging bahagi ng mga Kadiwa store sa food stamp program.
Sa ilalim ng programa ay bibigyan ng electronic benefit transfer na nagkakahalaga ng P3,000 ang kada pamilyang benepisyaryo upang ipambili ng mga masusustansyang pagkain mula sa DSWD accredited local retailers.
Umaasa naman ang DA na maging mabunga ang kanilang pakikipag-usap sa DSWD lalo’t magiging malaking oportunidad ito para sa mga magsasaka sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa