Naglabas na ng abiso ngayon ang Department
Agriculture (DA) sa mga magsasaka at mangingisda kaugnay sa banta ng bagyong Chedeng.
Batay sa weather forecast ng PAGASA, bagamat hindi pa direktang nakakaapekto sa ngayon ang bagyo ay inaasahang palalakasin naman nito ang hanging amihan na magpapaulan sa kanlurang bahagi ng bansa.
Ayon sa DA, ngayon pa lang ay pinapayuhan na nito ang mga magsasaka na anihin ang kanilang mga ‘mature’ nang palay at mga pananim bago pa maapektuhan ng pag-ulan.
Hanggat maaari, itago na rin ang kanilang mga reserbang pananim, mga makinarya, at iba pang farm inputs sa ligtas na storage areas.
Kung kailangan namang maglikas ng mga alagang hayop, sinabi ng DA na dapat tiyaking may sapat na feeds at tubig para sa mga ito.
Pinalilinis na rin sa mga magsasaka ang mga daluyan ng tubig sa mga irigasyon at mga pilapil upang maiwasan ang mga pagbaha.
Maging ang mga mangingisda ay pinayuhan na ring hanguin ng maaga ang mga isda at ipagpaliban na muna ang pagpapalaot lalo na sa mga lugar na nakararanas na ng malakas na hangin at alon dahil sa bagyo.
Sa panig ng DA, tiniyak naman nitong nakatutok na sila sa pamamagitan ng kanilang Disaster Risk Reduction and Management section sa kilos at lagay ng bagyo. | ulat ni Merry Ann Bastasa