Ilang mambabatas ang nagsusulong na madagdagan ang penal facilities o kulungan sa bansa upang mapagbuti ang kalagayan ng Persons Deprived of Liberty o PDLs.
Sa House Bill 8071 o Regional Penitentiaries Act, magtatayo ng dagdag na mga kulungan sa Regions I, II, III, V, VI, VIII, IX, X, XII, XIII at Cordillera Administrative Region (CAR ).
Punto ni Davao City Rep. Paolo Duterte, umaasa siya na sa pamamagitan nito ay mas magiging makatao ang sitwasyon sa mga piitan.
Sa kasalukuyan kasi, nagsisiksikan sa pitong penal facilities ang mga PDL.
Kabilang na rito ang New Bilibid Prison sa Muntinlupa City; the Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City; Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa City, Palawan; Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro; San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City; Leyte Regional Prison sa Abuyog, Leyte; at ang Davao Prison and Penal Farm sa Panabo, Davao Province.
“The Constitution vehemently opposes the use of substandard or inadequate penal facilities under subhuman conditions. Despite the said mandate, there are only seven existing correctional facilities in the country which are under the jurisdiction of the Bureau of Corrections (BuCor),” saad ni Duterte
Dagdag naman ni Benguet Rep. Eric Yap na ang jail congestion na ito ang isa sa matagal nang problema ng justice system ng bansa.
Katunayan, tinukoy ng World Prison Brief ang Pilipinas bilang “most overcrowded prison system in the world” kung saan limang beses na mas marami ang PDLs na nakapaiit, kaysa sa aktwal na kapasidad ng kulungan.
“Moreover, many of the country’s jails fail to meet the minimum United Nations (UN) standards given the jails’ cases of inadequate food, poor nutrition and unsanitary conditions, according to Human Rights Watch (HRW),” saad nito. | ulat ni Kathleen Jean Forbes