Patuloy ang paalala ng Department of Education o DepEd sa mga paaralan at komunidad upang makaiwas sa sakit na dengue.
Ayon sa DepEd, bagamat itinuturing nang year-long ang transmission ng dengue, mas mataas pa rin ang naitatalang kaso nito tuwing panahon ng tag-ulan dahil mas dumadami ang breeding areas ng mga lamok na may dalang dengue.
Kaugnay nito, nagpaalala ang ahensya sa mga paaralan at komunidad na isagawa ang 5-S strategy upang makaiwas sa naturang sakit.
Layon nitong mapanatiling malinis ang kapaligiran, partikular na ang tubig na maaaring pamugaran ng lamok.
Pinapayuhan din ang mga mag-aaral na protektahan ang sarili sa pamamagitan ng paglalagay ng insect repellents at pagsusuot ng long sleeves at high socks.
Agad na kumonsulta sa doktor kung mayroong sintomas ng dengue gaya ng lagnat, pagkahilo, at iba pa.
Inirerekomenda rin ang fogging o pagpapa-usok sa mga lugar na may mataas na insidente ng dengue.
Ipinagdiriwang naman ang National Dengue Awareness Month ngayong buwan ng Hunyo. | ulat ni Diane Lear