Inanunsyo ng French Embassy sa Pilipinas ang pagdating sa bansa ngayong araw ng destroyer “Lorraine” ng Pransya para magsagawa ng port call sa Maynila.
Kasabay ito ng opisyal na pagbisita sa bansa ni Rear Admiral Geoffroy d’Andigné, ang Joint Commander of the French Armed Forces in Asia-Pacific Zone.
Ang bagong destroyer “Lorraine” ang ika-walo at huling Anti-Submarine Warfare destroyer ng French Navy na pangunahing gagamitin sa aircraft carrier escort, anti-submarine warfare at pangontra sa air threats.
Mula pa April 8 ng taong ito naka-deploy sa karagatan ang destroyer “Lorraine” bilang bahagi ng “Long Duration deployment” (LDD) para subukan ang kanyang kakayahan, bago pormal na i-komisyon sa aktibong serbisyo.
Bilang bahagi ng kanyang deployment, nakilahok ang destroyer “Lorraine” sa EU NAVFOR ATALANTE operation sa Red Sea, kung saan isinakay niya ang mahigit 400 nationals ng iba’t ibang bansa, kabilang ang mga Pilipino, na inilikas mula sa Khartoum, Sudan.
Habang nasa Manila, ang French delegation ng destroyer “Lorraine” ay magkakaroon ng iba’t ibang cooperative activity at high- level professional exchange sa kanilang mga Pilipinong counterpart. | ulat ni Leo Sarne
📸: French Embassy