Binigyang diin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi refugees ang Afghan nationals na hinihiling ng Estados Unidos na pansamantalang patuluyin dito sa Pilipinas, para iproseso ang kanilang US special immigration visa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, ipinunto ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel “Babe” Romualdez, na ang mga indibidwal na ito ay mga dating empleyado ng US sa Afghanistan, at kanilang mga kaanak na eligible para sa special immigration visa.
Ayon kay Romualadez, ang ilan sa mga indibidwal na ito ay nananatili pa rin sa kanilang bansa (Afghanistan) habang ang ilan naman ay nasa bansang Pakistan.
Base sa pagsasalaysay ni DFA Secretary Enrique Manalo, October 2022 nila natanggap ang hiling ng US, sa pamamagitan ng concept note, tungkol sa pansamantalang pagpapatuloy ng mga Afghan applicant dito sa ating bansa.
Nabanggit rin aniya ito ni US President Joe Biden kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa naging state visit ng ating pangulo sa US nitong Mayo.
Matapos matanggap ang request na ito ay agad na ipinasa ni Ambassador Romualdez sa DFA ang usapin.
Ipinasa rin naman agad ng DFA sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of National Defense (DND), Department of Justice (DOJ), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at Philippine National Police (PNP).
Binigyang diin ng DFA, na sa ngayon ay wala pang pinal na desisyon at mga detalye tungkol sa request na ito ng US dahil tatalakayin pa sa cabinet level ang naturang usapin. | ulat ni Nimfa Asuncion