Bilang paghahanda sa magiging epekto ng pag-alburoto ng bulkang Taal, nagbigay ng medical supplies ang Department of Health CALABARZON sa lokal na pamahalaan ng Agoncillo, Batangas.
Kabilang na rito ang gamot, hygiene kit, PPE, first aid kit at facemask na magagamit bilang proteksyon mula sa volcanic smog.
Nagpasalamat si Agoncillo Mayor Cinderella Reyes dahil makakatulong ito sa kakulangan sa mga gamot para sa ubo at lagnat.
Ayon kay Reyes, may ilang mga botika ang nagkaka-ubusan ng mga gamot dahil may mga naghahanda sa epekto ng bulkang Taal at may ilang nagkakasakit dulot ng volcanic smog o pabago-bagong panahon.
Tiniyak ng alkalde na maipapamahagi sa mga lubos na nangangailangan ang mga natanggap na medical supplies . | ulat ni Bernard Jaudian Jr.