Pinakokonsidera ni Senador Francis Tolentino sa Department of Health (DOH) ang pansamantalang pagpapahintulot sa mga dayuhang doktor na makapanggamot dito sa Pilipinas.
Ipinaliwanag ng senador, na papayagan lang naman kung sakali ang mga dayuhang doktor na makapanggamot sa limitadong panahon, at hindi naman sila makikipagkompetensya sa mga lokal na doktor sa ating bansa.
Ayon kay Tolentino, magbebenepisyo pa nga ang lokal na medical industry mula dito dahil magkakaroon ng palitan ng idea, kaalaman at teknolohiya.
Marami na aniyang mga doktor mula sa ibang mga bansa ang nagnanais na makapag medical practice sa ating bansa, pero nahahadalangan sila ng kasalukuyang protective policy na pinapairal.
Kabilang na aniya sa mga nagpapahayag na gustong tumulong sa ating bansa ang mga kababayan nating nasa abroad nagpa-practice.
Bilang tugon, nangako si Health Secretary Teodoro Herbosa na makikipagpulong siya sa Professional Regulations Commission (PRC) tungkol sa nasabing isyu. | ulat ni Nimfa Asuncion