Bukas na sa serbisyo ang bagong satellite office ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa Pasig City.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development, matatagpuan ang satellite office sa ikalawang palapag ng Lianas Supermarket sa Caruncho Avenue, Barangay Palatiw at katabi lang ng Pasig Mega Market.
Ginawa ito ng DSWD para mailapit sa mga mamamayan ng lungsod ang serbisyo ng AICS program na hindi na kailangang magtungo sa tanggapan ng ahensiya.
Pagsisilbihan ng satellite office ang mga residente na nakatira sa Eastern Metro Manila tulad ng lungsod ng Pasig, Marikina, Taguig, at bayan ng Pateros.
Una nang binuksan ng DSWD ang CAMANAVA Satellite Office sa Victory Trade Plaza sa Monumento na magsisilbi sa mga residente mula sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas, and Valenzuela sa Northern Metro Manila.
Sunod ang Baclaran Satellite Office sa Victory Food Market para naman sa mga residente ng lungsod ng Pasay, Parañaque, Muntinlupa, at Las Piñas sa Southern Metro Manila.
At pinakahuling binuksan ang satellite office sa San Jose Del Monte City, Bulacan. | ulat ni Rey Ferrer