Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development ang pamamahagi ng pagkain sa mga sinalanta ng baha at landslide sa Malaybalay Bukidnon.
Ayon sa DSWD, mahigit 5,000 Family Food Packs ang kanilang ipinadala sa local government ng Malaybalay, Bukidnon para ipamigay sa mga pamilya.
Base sa datos, abot sa 5,100 pamilya o katumbas ng 25,050 indibidwal ang naapektuhan sa mga barangay ng Aglayan, Cabangahan, Bangcud, Sto Niño, San Martin, Sinanglanan, Managok, at Violeta.
Ang mga nabanggit na lugar ay sinalanta ng malalakas na ulan sa nakalipas na mga araw dulot ng Inter Tropical Convergence Zone.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Romel Lopez, mayroon pang 41,954 Family Food Packs at iba pang relief items ang nakaimbak sa iba’t ibang warehouse ng DSWD Northern Mindanao Field Office.
Sa kabuuan, 10,657 pamilya o 50,878 indibidwal ang apektado ng insidente sa lalawigan ng Bukidnon at Lanao del Norte. | | ulat ni Rey Ferrer
📷: DSWD