Bukod sa paghahatid ng relief goods ay tuloy-tuloy na rin ang pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng cash-assistance para sa mga pamilyang apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Muling nagpaabot ng cash aid ang DSWD Bicol Regional Office sa 644 na mga apektadong pamilya mula sa lungsod ng Tabaco, Malilipot, at Camalig.
Sa datos ng kagawaran, umabot na sa ₱16-milyon ang cash assistance na naipamahagi sa mga naapektuhang pamilya mula sa programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa loob ng isang linggo.
Sa pamamagitan ng tulong pinansyal, nais matugunan ng DSWD ang iba pang pangangailangan ng mga mag-anak lalo na sa panahon na sila ay pansamantalang naninirahan sa mga evacuation centers.
Umabot na rin sa 49,290 Family Food Packs (FFPs) at mga non-food items (NFIs) ang nailaan ng ahensya na nagkakahalaga sa halos ₱57-milyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa