Nakikipag-ugnayan na ang Department of Trade and Industry o DTI sa Food and Drug Administration o FDA upang alamin kung may inilabas na itong certificate of product registration sa mga laruang “lato-lato”.
Ito ang inihayag ni DTI Consumer Protection Group Usec. Ruth Castelo kasunod ng pahayag na nais na nilang ipagbawal ang pagbebenta ng popular na laruan.
Ayon kay Castelo, hindi dapat ibinebenta sa merkado ang isang produkto na hindi naman sertipikado ng FDA lalo’t walang garantiya sa kaligtasan nito.
Binigyang diin ni Castelo ang kahalagahan ng certificate of product registration kaya’t naniniwala silang gumagawa na rin ng kanilang sariling hakbang ang FDA upang alisin ito sa pamilihan.
Una nang nagbabala ang ilang mga environmentalist group tulad ng Ban Toxic hinggil sa pagkalat sa merkado ng mga lato-lato lalo’t hindi naman ito dumaan sa pagsusuri kaya’t tiyak na malalagay sa alanganin ang kalusugan ng mga bata. | ulat ni Jaymark Dagala