Masaya si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ngayong mayroon ng e-governance super app na magpapabilis sa mga ginagawang transaksiyon sa pamahalaan.
Sa naging talumpati ng Pangulo sa launching ng e-governance super app, sinabi nitong malaking hakbang din ito upang malabanan ang korupsiyon sa mga ginagawang transaksiyon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Sa pamamagitan aniya ng e-governance ay maiiwasan ang lagayan o suhulan gayung magiging napakasimple na ng transaksiyon sa pamahalaan.
Maiiwasan aniya dito na magkaroon ng ipitan sa mga dokumentong inaasikaso ng isang mamamayan at mawawala na ang mga fixer.
Dapat aniyang mawala na ang ganitong mga klase ng kalakaran ayon sa Pangulo at panahon na para tapusin ang paghihirap ng taong bayan sa sistema ng lagayan. | ulat ni Alvin Baltazar