Nanawagan ang National El Niño team sa publiko na makiisa sa paghahanda sa darating na matinding tagtuyot.
Ito’y kasunod ng pagpupulong kahapon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para talakayin ang National Action Plan para sa El Niño na pinangunahan ni Civil Defense Deputy Administrator for Operations, Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV.
Ayon kay Alejandro, habang nagsasagawa na ng preparasyon ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa epekto ng El Niño sa pagkain, tubig, kalusugan, enerhiya at pampublikong seguridad, mahalaga ang pakikiisa ng iba’t ibang sektor at ng publiko.
Sinabi ni Alejandro na importante ang edukasyon ng publiko tungkol sa mga epekto ng El Niño para masiguro ang kanilang suporta sa pagtitipid ng tubig at iba pang kaukulang hakbang.
Binigyang diin ni Alejandro na ang “whole of Nation approach” sa paparating na tagtuyot ang susi sa tagumpay ng lahat ng paghahanda. | ulat ni Leo Sarne