Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng Department of Agriculture (DA) upang masigurong hindi labis na maapektuhan ng nakaambang El Niño ang agri at fisheries sector ng bansa.
Nag-convene na rin ang National El Niño Team ng kagawaran kasama ang iba pang ahensya para talakayin ang plano ng pamahalaan sa pagtitiyak ng food security kahit pa may banta ng tagtuyot.
Kasama sa iprinisenta ang El Niño Mitigation and Adaptation Plan para sa crops, fisheries, at livestock subsectors kung saan nakapaloob ang mga istratehiya kabilang ang pagpapalawak ng information dissemination, proper water management, prepositioning ng mga kinakailangang tulong, crop diversification, paglilipat sa planting calendar, buffer stocking, at paghikayat sa pagtatanim ng mga drought tolerant crops.
Ayon kay DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban, kasama sa inihahanda ng kagawaran ang alokasyon ng binhi, mga fertilizer at iba pang maaaring kailanganin ng mga magsasaka.
Tiniyak naman ni DA Assistant Secretary for Operations Arnel De Mesa na nakahanda ang DA sa worst case scenario sakaling maging matindi ang maging epekto ng El Niño hanggang sa susunod na taon. | ulat ni Merry Ann Bastasa