Kumikilos na ang embahada ng Pilipinas sa Muzdalifah o Makka sa Saudi Arabia para tulungan ang mga kababayang Pilipino sa nasabing lugar matapos na maistranded habang dumadalo sa Hajj.
Batay sa abiso ng Embahada ng Pilipinas, nakarating na ang kanilang grupo sa nasabing lugar.
Tulong-tulong anila ang mga tauhan ng embahada sa Riyadh, konsulada sa Jeddah at maging ang Migrant Workers Office ng dalawang lugar para matiyak ang kaligtasan ng mga Pinoy doon.
Puspusan din ang pakikipag-ugnayan nila sa mga awtoridad sa Saudi upang maihatid ang tulong na kinakailangan ng mga kababayan sa lugar.
Pinapayuhan naman ng embahada ang mga kababayang naistranded na maging kalmado sa lahat ng oras at sundin ang mga tagubilin ng Saudi Hajj authorities.
Ang Hajj ay isa sa mga pinakaabangang tagpo sa pananampalatayang Islam bilang pagtupad sa 5 haligi o aral nito. | ulat ni Jaymark Dagala