Batid ng Government Service Insurance System (GSIS) ang hirap na dala ng paglikas sa kabuhayan kung kaya’t sila ay nakahandang magbigay ng suportang pinansyal sa mga Albayanong naapektuhan ng kasalukuyang pag alburuto ng Bulkang Mayon.
Ayon kay GSIS President and General Manager (PGM) Wick Veloso, ang mga miyembro at pensioners na kinailangang lumikas dahil sa Mayon ay maaring mag-avail ng emergency loan mula sa tanggapan.
Ang loan ay para sa mga aktibong miyembro ng GSIS na nakatira sa calamity area. Ito ay bukas din maging sa mga pensioners at persons with disability na miyembro.
Maaaring makahiram ng hanggang P20,000 ang isang miyembro samantalang pwede namang pahiramin ng aabot sa P40,000 ang miyembro na may existing emergency loan. Mula sa halagang ito ay makakapag-uwi din ito ng P20,000 libong, habang ang tira ay gagamiting pambayad sa existing emergency loan.
Hinihikayat ng GSIS ang mga interesadong kumuha ng loan na tignan sa kanilang website o di kaya’y tumawag sa tanggapan para sa mga alituntunin at requirements.| ulat ni Twinkle Neptuno| RP1 Albay