Kanselado pa rin ang face-to-face classes sa lahat ng antas sa Agoncillo, Batangas ngayong araw, June 13.
Ayon kay Municipal Mayor Cindy Reyes, ang naturang suspesyon ay bunsod pa rin ng pagbuga ng sulfur dioxide ng Bulkang Taal na ngayon ay nananatili pa rin sa Alert Level 1 o low-level unrest.
Matatandaang sinuspinde rin ng alkalde ang in-person classes sa kaniyang nasasakupan noong Biyernes, June 9.
Aniya, susundin pa rin ang alternative mode of learning para sa mga estudyante habang mas mataas pa rin sa normal level ang ibinubugang sulfur dioxide ng bulkan.
Samantala, walang deklarasyon ng suspesyon ng klase ang Talisay LGU pero ipatutupad pa rin ng Department of Education ang hybrid learning o pinaghalong face-to-face classes, at alinman sa online distance learning, modular distance learning, at TV o radio-based instruction ng mga mag-aaral. | ulat ni Hazel Morada