Nagsagawa ng flag-raising ceremony ang militar at pamahalaang panlalawigan ng Sulu sa tuktok ng Mount Sinumaan bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika 125 araw ng Kalayaan kahapon.
Ayon kay 11th Infantry “Alakdan” Division Commander Maj. General Ignatius Patrimonio, ang pagtataas ng bandila ng Pilipinas sa dating kaharian ng Abu Sayyaf ay patunay ng positibong pagbabago ng “security landscape” sa lalawigan dahil sa pagtutulungan ng lahat ng stakeholder.
Ipinaabot ni MGen. Patrimonio ang mensahe ni AFP Chief of Staff General Andres Centino, na ang flag raising sa Mt. Sinumaan ay simbolo ng kapayapaan at kaunlaran sa lalawigan.
Binati rin ni MGen. Patrimonio ang mga nakilahok sa pag-akyat sa Mt. Sinumaan para sa makasaysayang aktibidad.
Kasama ng mga tropa ng 11ID at opisyal ng Sulu provincial Government ang mga tauhan ng iba’t ibang LGU, mga miymebro ng academe at youth sector, at reservists na nag-hike ng dalawang oras mula sa Sitio Laum, Barangay Danag, Patikul, Sulu para marating ang tuktok ng Mt. Sinumaan. | ulat ni Leo Sarne
📷: 11ID