Pinalawig pa ng tatlong taon ang funding para sa Philippine Studies Program sa Institute of Southeast Asian Studies (ISEAS)-Yusof Ishak Institute Singapore.
Dinaluhan ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang signing ng Deed of Donation Agreement sa pagitan ng Philippine Embassy sa Singapore at ng ISEAS–Yusof Ishak Institute sa Heng Mui Keng Terrace, Singapore nitong Lunes.
Sa ilalim ng kasunduan, ang funding grant ay mananatili hanggang June 30, 2026.
Ayon kay Legarda, ang grant ay gagamitin bilang suporta sa mga research, events at iba pang aktibidad na magtataguyod sa Philippine Studies Project (PSP) sa ilalim ng Regional Strategic and Political Studies (RSPS) ng ISEAS.
Sinimulan ng senadora ang PSP ilang taon na ang nakalilipas para itaguyod ang kultura, sining, kasaysayan, seguridad at ekonomiya ng Pilipinas sa iba’t ibang prestihiyosong unibersidad sa paghahangad na maisulong ang mas malalim na pag-unawa sa Pilipinas sa mga Pilipino at dayuhang mag-aaral sa ibang bansa.
Mayroon ring parehong suporta para sa Philippine studies sa ilang unibersidad sa London, Spain, Germany, United States, Thailand, South Korea, Australia, Canada, Mexico, at Belgium. | ulat ni Nimfa Asuncion
📷:Sen. Lorena Legarda fb page