Halaga ng ayuda sa 4Ps, pinatataasan ng isang kongresista

Facebook
Twitter
LinkedIn

Humirit si AGRI party-list Rep. Wilbert Lee na taasan na ang halaga ng ayudang ibinibigay sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Kung pagbabatayan kasi aniya ang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), lumalabas na hindi na sapat ang kasalukuyang halaga ng 4Ps grant.

Ang maximum kasi na ₱31,200 na cash grant na natatanggap ng isang pamilya sa isang taon ay bumaba na sa ₱14,524 ang halaga dahil sa epekto ng inflation.

“Malinaw na kulang na kulang ang natatanggap ng 4Ps beneficiaries. At nakasaad sa batas na dapat siguruhin ng [National Advisory Council] NAC na sapat ang cash grant lalo na kung may rekomendasyon na galing sa PIDS. Kaya ‘wag na tayong magpaliguy-ligoy pa. Dagdagan na ito, now na!” diin ng kinatawan.

Mungkahi nito ang kasalukuyang ₱750 na health aid ay itaas sa ₱906.

Ang educational allowance naman ng estudyante sa daycare o elementarya ay itataas sa ₱362 mula sa ₱300.

Gagawin namang ₱604 ang allowance para sa junior high school mula sa ₱500, at ang nasa senior high school ay itataas sa ₱846 mula sa ₱700.

Ayon naman sa mambabatas, dapat ay magkusa na ang National Advisory Council (NAC) at DSWD na irekomenda ang pagbabago sa cash aid imbes na hintayin ang Kongreso na magpasa ng panukalang batas upang hindi na ito matagalan pa.

“Pwedeng abutin pa ng 2025 bago maramdaman ng mga beneficiaries ang tulong kung hihintayin pa nating maipasa ang mga nakasalang ngayon na panukalang batas sa pagtataas ng 4Ps cash grants. Kaya nananawagan tayo sa DSWD na i-rekomenda at pabilisin ang proseso para madagdagan ang suportang ipinagkakaloob ng programa,” ani Lee.

Imbes din aniya na kada anim na taon ay gawing kada dalawa o tatlong taon ang pag-evaluate kung sapat pa ba ang halaga na naibibigay sa 4Ps beneficiaries. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us