Umabot sa halos P1-M na halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency VII sa dalawang magkahiwalay na buy-bust operation sa lungsod ng Cebu na isinagawa kahapon, Hunyo 9.
Unang isinagawa ang buy-bust operation sa Brgy. Taptap, isang bukiring barangay sa lungsod ng Cebu kung saan nahuli ang mga subject na sina Jordan Albarico at Jerwin Cobrado na pawang 31 taong gulang.
Kabilang din sa mga nahuli ang tatlo pang kasamahn ng mga subject na kinilalang sina Jun Rey Lacerna, 36 taong gulang, Jessie Gerarman, 43 taong gulang at Ian Arcilla 40 taong gulang,
Nakuha ng mga awtoridad ang 27 pakete ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 135 grams at tinatayang nagkakahalaga ng P918,000, isang multicab, dalawang mobile phones at iba pang mga ebidensya.
Ayon sa impormasyon na nakalap ng PDEA-7, makakadispose ng nasa 500 grams ng shabu bawat linggo ang mga subject ng operasyon.
Samantala, pasado 9:00 naman kagabi nang isagawa ang buy-bust operation sa Sunshine Valley, Brgy. Quiot nitong lungsod na nagresulta sa pag-giba ng isang drug den.
Ang subject ng operasyon ay ang tinukoy na drug den maintanier na si Joel Secretaria, 48 taong gulang at isang pintor.
Nahuli rin ang mga parokyano sa nasabing drug den na pawang mga tricylce driver na sina Gener Luzon, 42 taong gulang at Ariel Manego, 33 taong gulang.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang 14 na pakete ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na 10 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P68,000, buy-bust money, at mga drug paraphernalia.
Ayon sa PDEA 7, ang drug dens ay itinuturing na breeding ground ng mga karahasan kriminalidad at banta sa kaayusan at katahimikan ng isang lugar.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa laban sa mga nahuli. | ulat ni Angelie Tajapal | RP1 Cebu