Litaw na litaw ang damdaming Makabayan sa Caloocan City sa paggunita ng ika-125 anibersaryo ng proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.
Pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang wreath-laying o pag-aalay ng bulaklak sa Bantayog ni Gat Andres Bonifacio na sinundan ng gun salute.
Binasa rin ang proklamasyon Blg. 28, at sabayang pinatunog ang mga sirena at iwinagayway ang mga banderitas.
Sa kanya namang mensahe, binigyang-diin ni House Speaker Romualdez na napapanahong sariwain ngayon ang mga aral na iniwan ni Gat Andres Bonifacio at iba pang mga bayani na nag-alay ng kanilang buhay para makamit ang kasarinlan ng bansa.
Panahon na aniya ito para balikan ang kasaysayan tungo sa kalayaan at matuto sa aral ng nakaraan.
Hinimok rin nito ang mamamayan na gisingin ang kabayanihan sa bawat isa at maging bayani para iangat ang buhay ng kapwa.
Samantala, si Caloocan City Mayor Along Malapitan, hinimok naman ang publiko na ituloy ang mga ipinaglaban ng ating mga bayani gaya ng laban sa karapatan. | ulat ni Merry Ann Bastasa