Nilahukan ng mga organisasyon na kumakatawan sa iba’t ibang sektor ang isang Multi-Sectoral Conversation on Bangsa Sug na isinagawa kahapon sa Sumadja Hall, SACC sa Barangay Bangkal Patikul, Sulu.
Layon nitong mapag-usapan ang iba’t ibang isyu na mahalagang matugunan sa pangunguna ni Governor Abdusakur M. Tan ng Sulu.
Hakbang ito ani Tan upang alam niya ang mga maaring maipresenta, maidulong at maipanawagan sa isasagawang Bangsamoro Governor Caucus sa Cagayan de Oro City na inaasahang bubuksan sa ika-6 ng Hunyo ngayong taon.
Nais ni Tan na maging tunay na representante ng Bangsa Sug at hindi lamang bilang Gobernador ng Sulu, kaya naman nais niyang makausap ang bawat sektor upang tiyak na maibabahagi niya sa mga kapwa gobernador sa BARMM ang anumang saloobin ng bawat Bangsa Sug, maging ang estado ng Sulu sa kasalukuyan.
Pagtitiyak naman ni Tan na handang tugunan at suportahan ng pamahalaang panlalawigan ang mga programang magpapaunlad sa kalagayan ng bawat mamamayan sa Sulu mula sa sektor ng edukasyon, relihiyon, kababaihan, kabataan at iba pa na bahagi ng tagumpay ng nagpapatuloy na pagsulong ng Sulu.
Nakiisa din sa naturang pagpupulong si Vice Governor Abdusakur A. Tan II ng Sulu.| ulat ni Eloiza Mohammad| RP1 Jolo