Puspusan na ang koordinasyon ng MMDA sa mga lokal na pamahalaan, para sa pagsasagawa ng imbentaryo sa mga informal settler sa kanilang lugar, na magiging basehan naman ng Housing Department para sa isinasagawang relokasyon.
Ito ayon kay MMDA Spokesperson Melissa Carunungan ay bahagi sa mga ginagawa nilang hakbang upang maprotektahan ang publiko, ngayong nakararanas na ng pag-ulan sa bansa.
“Mga illegal settler na minsan po nagiging biktima kapag nakatira po sila sa mga dangers areas kagaya po sa mga tabi ng estero. Sinasabi naman po namin sa mga LGUs ang mga dangers areas na ito at i-evacuate po ang mga illegal settlers na nandoon.” — Atty. Carunungan.
Sa briefing ng Laging Handa, ipinaliwanag ng opisyal na ang mga informal settler kasi ang kadalasang nahaharap sa panganib tuwing umuulan at bumabaha, lalo’t delikado ang tinitirhan ng mga ito.
Ayon sa opisyal, tuwing mayroong papalapit na bagyo, agad namang hinahanda ng MMDA ang kanilang assets, tulad ng aluminum boats, fiberglass boats, tow trucks, rubber boats, at ambulansya, upang ipang-tugon sa pangangailangan. | ulat ni Racquel Bayan