Bumaba ang naitalang gas output o ang ibinubugang asupre (sulfur dioxide) sa Taal Volcano sa nakalipas na 24-oras.
Batay sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), mula sa higit 5,000 tonelada ay bumaba sa 2,941 tonelda ang sulfur dioxide (SO2) gas na ibinuga ng bulkan hanggang kaninang alas-5 ng madaling araw.
Gayunman, nagpapatuloy pa rin ang steaming activity sa Bulkang Taal.
Ayon sa PHIVOLCS, naobserbahan ang malakas na pagsingaw sa bulkan na may 3,000 metrong taas.
Nananatili rin ang upwelling ng mainit na volcanic fluids sa Main Crater Lake at mayroon pa ring banta ng volcanic smog o vog na binubuo ng mga droplet na naglalaman ng volcanic gas.
Samantala, tumagal naman ng higit 165 oras ang naitalang volcanic tremor sa bulkan. | ulat ni Merry Ann Bastasa