Isang resolusyon ang inihain ng apat na mambabatas sa Kamara para magkasa ng pag-aaral hinggil sa epekto ng pagiging dependent ng bansa sa imported fertilizer.
Sa ilalim ng House Resolution 972 nina Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, Bataan Rep. Albert Raymond Garcia, at Bicol Saro Rep. Brian Raymund Yamsuan, pinagkakasa ng pagsusuri ang House Committee on Agriculture ang Food hinggil sa pagiging epektibo ng magkakaibang fertilizer para maparami ang aning bigas.
Kasunod na rin ito ng paglalabas ng Department of Agriculture ng kautusan hinggil sa paggamit at distribusyon ng biofertilizers.
Punto ng mga kinatawan, umaasa sila na sa pamamagitan ng itinutulak na inquiry ay makakahanap ng magandang alternatibo para sa hangarin ng Marcos Jr. administration na mapalakas ang produksyon ng palay sa Pilipinas.
Kabilang anila sa mga dapat matukoy ay kung mas mura nga ba ang chemical fertilizers gaya ng urea kung ikukumpara sa biofertilizers at kung ang biofertilizers na ito totoong nakapagpaparami ng ani.
Nais ding malaman ng mga mambabatas ang pagkakaiba sa actual cost at per-hectare yield sa pagitan ng organic at inorganic inputs. | ulat ni Kathleen Jean Forbes