Umaapela si Camarines Sur Representative LRay Villafuerte sa Department of Transformation (DOTr) na ipagpaliban na muna ang nakambang taas-pasahe sa Light Rail Transit (LRT) line 1 at 2, at pati na Metro Rail Transit (MRT).
Diin ng kinatawan, marami sa commuters ang iniinda pa rin ang mataas na inflation rate bagamat bumagal na ito sa nakalipas sa mga buwan.
Sa anunsiyo ng DOTr at ng Light Rail Transit Authority (LTRA), magkakaroon ng P2.29 increase sa boarding fee na magiging epektibo sa August 2.
Punto ni Villafuerte, marami pa rin sa mga Pilipino lalo na yung “masa” ang iniinda ang epekto ng inflation na nagpapababa sa halaga ng kanilang purchasing power.
Para naman kay Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, hindi pa rin ramdam ng publiko ang pagbagal sa inflation rate kaya’t magiging dagdag pabigat lamang ang taas pasahe.
Bilang isa aniyang basic service ang public transportation ay dapat tiyakin na abot kaya ng mga Pilipino ang pasahe dito.
Imbes din aniya na taas-pasahe ay maghanap ng iba pang solusyon para mapagbuti ang kalidad ng pampublikong transportasyon, na hindi makakadagdag sa pasanin ng publiko. | ulat ni Kathleen Forbes