Dismayado na naman ang ilang pampasaherong tsuper na bumibyahe sa Anonas, Cubao dahil tatamaan na naman sila ng panibagong taas-presyo sa diesel ngayong araw.
Epektibo kaninang alas-6 ng umaga, mayroon na namang dagdag na ₱1.40 sa kada litro ng diesel na siyang ginagamit ng mga jeepney driver.
Karamihan sa mga nakapanayam na driver ng RP1 team, hindi pa nagpapakarga ngayong umaga dahil kailangan muna daw kumayod para may pangkarga.
Para kay Mang Juvie na may byaheng Laon Laan, ramdam nila ito lalo’t kung susumahin ay aabot sa ₱200-₱400 ang bawas sa kanilang kita na imbes mapunta sa pambudget sa pamilya ay mauuwi lang sa pang-diesel.
Maging si Mang Julius, nagrereklamo rin dahil pahirapan pa naman daw ang pagkuha ngayon ng mga pasahero dahil maulan ang panahon.
Diskarte naman ni Kuya Rene na byaheng City Hall, pipila na lang sa terminal para tiyak na puno ang pasahero sa kada byahe kaysa mag-ikot.
Habang si Mang Dante, hahabaan na lang daw ang oras ng biyahe para may kitain pa rin. | ulat ni Merry Ann Bastasa