Ipinag-utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na gawin na lamang opsyonal ang online na pagkuha ng dokumento o paghahain ng iba pang request para sa ilang piling transaksyon sa ahensya.
Sa inilabas na Memorandum Circular 2023-019 ng LTFRB, pinahihintulutan na ang personal na paghahain ng request para sa mga nabanggit na transaksyon.
Unang isinagawa ang online na paghahain ng request noong ipatupad ang general community quarantine sa mga lugar na itinuturing na “low” o “moderate risk areas” dahil sa COVID-19.
Gayunman, sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na kinakailangan pa ring bayaran ang filing fees para sa mga nasabing transaksyon, personal man o online ito isinagawa.
Nakasaad din sa bagong memorandum na bagama’t umiiral pa rin ang COVID-19, lubos namang nababawasan ang epekto nito sa iba’t ibang aspeto.| ulat ni Rey Ferrer