Aminado ang ilang mga pampasaherong tsuper sa Quezon City na pahirapan din ang pamamasada kapag panahon ng tag-ulan.
Ayon sa mga nakapanayam ng RP1 team na mga driver ng jeep at taxi, malaking hamon sa kanila kapag maulan at baha sa kalsada.
Mahirap daw kasi ang matirikan sa baha o mabasa ang preno ng sasakyan.
Dahil dito, may kanya-kanyang diskarte ang mga ito para masigurong tuloy-tuloy ang byahe kahit rainy season.
Kasama na rito ang palagiang pag-check up ng kanilang mga minamanehong unit kasama na ang trapal na pangprotekta sa ulan ng mga jeepney.
Si Mang Arjay, jeepney driver, sinabing kabisado na nito ang mga bahaing lugar kaya hindi na dumadaan doon kapag malakas na ang ulan.
Hindi rin lumulusong sa bahang kalsada si Virgilio lalo na kung lagpas na sa tuhod ang baha.
Nag-o-overtime naman ang driver na si Mang Luisito para magsakay ng mga pasaherong na-stranded sa daan. | ulat ni Merry Ann Bastasa