Nasa mahigit 5 kilo ng processed na karne ng baboy at manok ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Animal Industry – Ninoy Aquino International Airport o BAI-NAIA.
Ito’y matapos maharang sa NAIA Terminal 1 ang dalawang pasahero mula China, bitbit ang mga naturang produkto.
Kabilang sa mga nakumpiska ay ang 2.5 kilo ng processed pork meat at 2 kilo ng processed chicken meat na dala ng Chinese national na lulan ng Xiamen Airlines flight MF-817.
Gayundin naman ay kumpiskado rin ang isa pang kilo ng processed pork feet na bitbit ng isa pang pasahero sa kaparehong flight.
Ayon sa BAI-NAIA, bigong makapagpakita ng import permit ang dalawang Chinese national na pasahero kaya’t hinarang sila ng Bureau of Customs sa NAIA.
Paalala naman ng BAI-NAIA, mahigpit ang kanilang pagtutok sa mga produktong karne na iligal na pumapasok sa bansa dahil maaari itong magdulot ng peligro sa kalusugan ng mga Pilipino. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: BAI-NAIA