Pormal nang inilunsad ang Regional Development Plan ng Region 4-B o MIMAROPA para sa taong 2023 hanggang 2028 ngayong araw.
Sa isang virtual message, sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan na nakapaloob sa RDP ang mga stratehiya na magsusulong ng connectivity sa island provinces at magpapabuti sa power generation at transmission.
Tututukan din aniya ang pagpapalakas sa sektor ng agrikultura at turismo upang pumasok ang mas maraming investments na lilikha ng trabaho at kabuhayan.
Binigyang-diin ni Balisacan na sa pamamagitan ng RDP 2023-2028 ay maitataguyod ang unique resources ng MIMAROPA na nagsisilbing destinasyon para sa retirement, rest at recreation.
Dagdag pa nito, nakahanay ang RDP sa “AmBisyon Natin” 2040 at development goals na nakapaloob sa Philippine Development Plan.
Tinitiyak naman sa pagkakabuo ng RDP na sumailalim ito sa extensive at inklusibong konsultasyon upang marinig at maikonsidera ang mga prayoridad at hinaing ng stakeholders. | ulat ni Hajji Kaamiño