Patuloy ang naitatalang pagbagal ng inflation sa bansa nitong Mayo.
Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, bumaba sa 6.1% ang inflation mula sa 6.6% ang inflation noong Abril.
Ito na ang ikaapat na buwan ng tuloy-tuloy na pagbaba ng inflation sa bansa na pasok rin sa forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas na nasa 5.8 hanggang 6.6%.
Ang average inflation naman mula Enero hanggang Mayo ay nasa antas na 7.5%.
Paliwanag ng PSA, nangungunang dahilan ng pagbagal ng antas ng inflation ay ang mas mabagal na paggalaw sa presyo ng Transport partikular sa pagbaba ng presyo ng gasolina at diesel.
Pangalawa sa nakaambag ang pagbagal ng presyo ng food and non-alcoholic beverages na may 7.4% inflation kabilang ang dilis, manok, at itlog.
Ikatlo pa sa nakaambag ay ang pagbagal sa paggalaw ng presyo ng restaurant at accomodation services na may 8.3% inflation.
Samantala, pagdating naman sa overall inflation nitong Mayo, ang pangunahing nag-ambag ay ang food and non-alcoholic beverages kabilang ang pagbaba ng presyo ng bigas; gulay, at sibuyas.
Pagdating sa National Capital Region, ay bumaba rin sa 6.5% ang headline inflation mula sa 7.1% noong Abril dahil sa mas mabagal na galaw ng presyo ng kuryente at LPG. | ulat ni Merry Ann Bastasa