Pinag-aaralan ng pamahalaan ang lahat ng mga sistema o practice na ipinatutupad ng ibang bansa, para sa patuloy na pagpapabuti ng healthcare system ng Pilipinas.
Pahayag ito ni PRC Commissioner Jose Cueto sa gitna pa rin ng kakulangan sa nurse, sa mga pampublikong ospital.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ng opisyal na kung sa Pilipinas isang kurso o Bachelor of Science in Nursing lamang ang iniaalok para sa pagpa-practice ng nursing, sa ibang bansa mayroon silang certificate of nursing level at mayroon ring diploma in nursing level.
“Lahat po naman ng ginagawa or interventions ay pinag-aaralan po muna. Kung minsan po kasi epektibo doon sa ibang bansa, tapos kapag ginawa natin, in-implement natin kaagad dito na hindi natin pinag-aaralan nang mabuti, ay kung minsan nagkakaroon ng problema.” — Cueta
Lahat aniya ng interventions na ito ay pinag-aaralan ng pamahalaan, lalo’t mayroong mga pagkakataon na maaaring i-adopt sa Pilipinas ang mga ito habang ang iba naman ay hindi maaaring maipatupad sa bansa.
“So, lahat ng i-implement po na intervention para sa nursing shortage masusing pag-aaral bago po i-implement at saka stakeholder consultation – nakukonsulta po lahat.” — Cueta
Una nang sinabi ng PRC na base sa Republic Act no. 9173 o ang batas na sinusunod para sa pagpa-practice ng nursing sa bansa, tanging ang mga licenced nurse mula sa ibang bansa ang maaaring mabigyan ng special o temporary permit sa Pilipinas.
“Sa Section 21 po ay may probisyon na practice through special or temporary permit na nag-a-apply lang po sa licensed nurses from foreign countries.” —PRC Cueta.
Ibig sabihin, walang nakapaloob sa probisyon ng batas na ang PRC o anomang government agency ay maaaaring magbigay ng temporary license sa mga hindi pa nakakapasa sa board exam. | ulat ni Racquel Bayan