Ikinakasa ngayon ni AGRI party-list Rep. Wilbert Lee ang isang programa na layong makapagtatag ng isang negosyo sa kada probinsya sa bansa.
Sa pagharap ng mambabatas sa graduation ceremony ng Sorsogon State University, sinabi nitong makikipag-tulungan siya sa pribadong sektor para makapaglunsad ng programa kung saan pag-uugnayin ang mga mamumuhunan at mga nais magsimula ng kanilang negosyo.
Hango aniya ito sa ideya ng isang television program sa Amerika na ‘Shark Tank’.
Dito ay mag-iikot sa buong bansa ang grupo ng investors para pakinggan ang business proposal ng mga indibidwal at kung sino ang mapipili ay kanilang tutulungan sa kapital at pagpapalago ng negosyo.
Umaasa ng kinatawan na sa pamamagitan nito ay mas maeenganyo ang mga kabataan na pumasok sa pag-nenegosyo na kalaunan ay magbubukas din ng employment opportunities para sa iba.
Positibo rin ang kongresista na makatutulong din ito para mabago ang mindset o kaisipan ng mga kabataan na para umunlad ay kailangang mangibang bansa kahit pa mawalay sa kanilang mga pamilya.
“Isa ito sa pagsisikap natin na bigyan ng pagkakataon ang mga kabataan, ang ating mga young entrepreneurs, na mapalago ang kanilang negosyo. Gusto natin na ma-engganyo silang gamitin ang kanilang husay at talino hindi lang para mapaunlad ang sarili, kundi para makatulong din sa ating mga kababayan. kapag nagtagumpay sila sa negosyo, lilikha din ito ng mga trabaho at serbisyo para sa iba pa nating mga kababayan, na mabibigyan din ng pag-asa na mapaunlad ang pamumuhay ng kanilang pamilya.” diin ni Lee. | ulat ni Kathleen Jean Forbes