Dalawang mambabatas ang naghain ng resolusyon upang kilalanin ang pagkapanalo ni Juliana Maria Beatrice Gomez bilang kampeon sa 2022 Air Force Open Fencing Championships na ginanap kamakailan sa Thailand.
Nakasaad sa House Resolution 1047, na inaprubahan ng House Committee on Youth and Sports Development, ang pagiging ehemplo ni Gomez sa iba pang Pinay athletes.
“Juliana Gomez embodies the positive traits of the Filipino women athletes who continue to break the status quo with outstanding performances in various field of sports and competitions,” sabi sa House Resolution 1047.
Nasungkit ni Gomez ang gintong medalya sa Senior Women’s Epee event ng 2022 Air Force Open Fencing Championships na nilahukan ng 19 na manlalaro.
Ang pagkapanalong ito ni Gomez ay nadala naman anila muli ng karangalan sa bansa.
Si Gomez ay miyembro ng National Fencing Team at University of the Philippines Fencing Team at anak nila Leyte Representative Richard Gomez at Ormoc City Mayor Lucy Torres-Gomez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes