Iminungkahi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa Bureau of Immigration (BI) ang paggamit ng artificial intelligence sa mga paliparan sa bansa.
Ayon sa kalihim, ito ay upang mapabilis ang proseso ng pag-alis ng mga pasahero at pagtukoy sa mga pagkakakilanlan, lalo na ang mga prone sa human trafficking.
Pinayuhan rin ni Remulla ang mga biyaherong aalis ng bansa, na agahan ang pagpunta sa paliparan at dalhin ang mga kinakailangang papeles upang maiwasan na mahuli o ma-offload sa kanilang mga flight.
Sinabi rin ng kalihim, na kinakailangan rin na madagdagan ang bilang ng mga Immigration Officer at mga Immigration counter sa mga paliparan.
Para kay BI Commissioner Norman Tansingco, nananatiling hamon sa ahensya ang pagtalima nito sa international standard ng pagproseso sa mga biyahero ng 45 segundo, dahil na rin sa dami ng mga pasahero.
Ayon sa opisyal, aabot sa 20 pasahero ang na-o-offload sa NAIA kada araw dahil sa ito ay mga hinihinalang biktima ng human trafficking. | ulat ni Gab Villegas