Pinatitiyak ng mga senador na makakasigurong ligtas ang mga rider at pasahero bukod sa mananatiling mababa ang mga bilang ng mga naaksidente sakaling maisabatas ang panukalang gawing legal ang operasyon ng mga motorcycle for hire.
Sa ginawang pagdinig ng Senate Committee on Public Services kamakailan, iginiit ni Senadora Grace Poe na dapat ay magpatupad ng highest safety standard sa mga motorcycle taxi.
Una na ring pinahayag ni Senador Raffy Tulfo ang kanyang pagkabahala sa bilang ng mga aksidente na kinasasangkutan ng ilang motorcycle taxi, gaya ng Angkas na may naitala nang 7,500 na aksidente noong 2022.
Pinunto rin ni Tulfo ang mga natanggap niyang reklamo na ang pasahero ang nagpapaluwal kapag naaaksidente dahil sa hirap kausap ng ilang motorcycle taxi companies.
Dahil dito, sinabi ng senador na dapat agad na tugunan ng motorcycle taxi company kung may naaksidente silang rider na may pasahero at bayaran ang gastos sa ospital at iba pa.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Grab Senior Executive Vice President Lim Yew Heng, na sa mga bansa kung saan sila nag-ooperate ng motorcycle taxi gaya sa Thailand, Vietnam at Indonesia ay gumagamit sila ng teknolohiya para ma-monitor ang ugali at driving skills ng kanilang mga drayber bukod pa sa kaligtasan at tamang pagsasanay.
Sa naturang teknolohiya ay maaalerto sila kapag ang isa nilang drayber ay nagmamaneho ng delikado.
Inamin naman ng Angkas at Move it na wala silang ginagamit na teknolohiya para matutukan ang kanilang mga drayber.
Ang meron lang aniya ang Angkas ay command center at marshals habang ang Joyride ay may mga marshal na umiikot sa Metro Manila, 24/7 para palihim na obserbahan ang kanilang mga rider. | ulat ni Nimfa Asuncion