Isang panukala ang inihain sa Kamara na nagsusulong na magtalaga ng dialysis wards sa mga government hospital, at magbigay ng libreng gamutan para sa mga mahihirap na pasyente na may kidney disease.
Isinulong nina Davao City Representative Paolo Duterte, Benguet Rep. Eric Yap, at ACT-CIS Party-list Rep. Edvic Yap sa ilalim ng House Bill 7841, na mapagtuunan ang tumataas na bilang ng mga Pilipinong nagkakasakit sa bato.
Dagdag gastos din kasi anila ang napakamahal na dialysis treatment para sa Chronic Kidney Disease Stage 5 (CKD 5) end-stage kidney disease.
Sa kabila kasi na 144 sessions na ang sagot ng PhilHealth, ang 91st hanggang 144th session ay para na lamang sa outpatient hemodialysis.
Kada session naman ay nagkakahalaga ng P2,000 hanggang P5,000 kaya sa isang buwan ay aabot sa P24,000 hanggang P60,000 ang gastos ng isang pasyente.
Kaya naman kasabay ng National Kidney Month ay muling kinalampag ng mga mambabatas ang Kongreso na ipasa na ang panukala. | ulat ni Kathleen Forbes