Siniguro ng Commission on Elections (COMELEC) na magiging malinis ang listahan ng mga rehistradong botante, bago ang Barangay at Sangguniang Kabatan (SK) elections sa Oktubre.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni COMELEC Spokesperson Rex Laudiango, na ngayong araw (June 19), nationwide na isinagawa ang Special Election Registration Board hearing na layong tanggalin ang lahat ng double o multiple registrants.
“Almost 120,000 na tinitingnan namin at sinisiyasat namin dahil mukhang sinadya talaga nila na magrehistro muli. Mayroon kaming mga nakita na gumamit ng ibang pangalan, iniba ang itsura, pero dahil pareho ang kanilang fingerprint, natuklasan at nakita namin sa kanila, in fact, 7,000 complaints na ang naka-ready kami na i-file noong last week pa.” — Laudiangco
Buburahin aniya nila ang lahat ng record ng mga botante na nag-transfer na ngunit naiwan pa rin ang kanilang record sa dating presinto.
Kung mayroon pa aniyang mga pangalan ang nakalusot sa paglilinis ngayong araw, muli silang magsasagawa ng panibagong paglilinis sa ika-27 ng Hulyo.
Babala ng opisyal, sa mga mapapatunayang nanadya na magdoble ng voter’s record, maaari silang maharap sa anim na taong pagkakakulong, matanggalan ng karapatang makaboto, at mag-diskwalipika sa anomang pwesto sa gobyerno. | ulat ni Racquel Bayan