Pinaalalahanan ni Vice President Sara Z. Duterte ang mga local chief executive na sila ang susi sa kaunlaran at sustainable growth ng bansa.
Sa kanyang pagdalo sa Mindanao League of Municipalities, sinabi ni VP Sara na ang mga alkalde ang direktang may ugnayan sa mamamayan kaya batid nila ang pangangailangan ng bawat komunidad na nasasakupan.
Nakasalalay aniya sa husay at kaalaman ng mga mayor ang pag-unlad ng Pilipinas.
Kasabay nito, iginiit ng pangalawang pangulo ang suporta ng kanyang tanggapan sa 8-point socioeconomic agenda ng administrasyong Marcos tungo sa pagkamit ng mga target.
Punto nito, sa susunod na limang taon ay pagsusumikapan ng gobyerno na mapabuti ang food security, transportasyon, health care, edukasyon at social services.
Bukod dito, ibababa rin ang presyo ng kuryente, isusulong ang maayos na fiscal management at itataguyod ang bureaucratic efficiency. | ulat ni Hajji Kaamiño