LPG, instant noodles, inuming tubig, pinasasama sa listahan ng mga batayang pangangailangan na mapapasailalim sa price freeze sa gitna ng kalamidad

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pina-aamyendahan ng isang mambabatas ang RA 7581 o Price Act upang madagdagan ng ilang bilihin na kinokonsidera bilang basic necessity at maaaring mapasailalim sa price freeze oras na magkaroon ng kalamidad.

Sa House Bill 7977 ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Raymund Yamsuan, pinasasama na ang LPG, instant noodles, bottled water, at kerosene sa listahan ng basic necessities at imo-monitor ng Price Coordinating Council.

Aniya, panahon nang i-update ang naturang batas na noon pang 1992 napagtibay.

Batay sa Section 3 ng batas, ang mga itinuturing na batayang pangangailangan ay bigas, tinapay, isda, dried at canned fish, at marine products, karne ng baboy, baka, at manok, itlog, fresh at processed milk, gulay, root crops, kape, asukal, mantika, sabon, panggatong at uling, kandila, at gamot na tinukoy ng Department of Health (DOH) bilang essential.

“The Price Act is due for an update. The Act has not included ‘new’ goods that by virtue of their mass and necessary usage, qualify as basic necessities,” saad sa explanatory note ng panukala.

Maliban dito, ipinapanukala rin ng mambabatas na pahintulutan ang motu proprio na pag-alis o pagdaragdag ng goods o bilihin sa listahan ng basic necessities ng alinmang ahensya na miyembro ng PCC.

Sa kasalukuyan kasi, kailangan muna maghain ng petisyon para magdagdag o magbawas ng bilihin sa naturang listahan.

Salig sa Price Act, awtomatikong ipinatutupad ang price freeze sa mga lugar na isinailalim sa State of Calamity, habang ang price control naman ay ipinatutupad sa mga lugar na nasa ilalim ng State of Emergency, Martial Law, State of Rebellion o War o kung suspendido ang Writ of Habeas Corpus. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us