Aminado si Land Transportation Office (LTO) officer in charge Hector Villacorta na mas nagkaroon ng fixer sa pag-aapply ng driver’s license nang gawin nilang online ang ilan sa mga proseso o nang simulan nila ang e-governance.
Sa naging pagdinig ng Senado tungkol sa e-governance at internet connectivity sa Pilipinas, sinabi ni Villacorta na mas lumalapit sa mga fixer ang ilang mga nag-aapply na mga driver dahil hindi sila computer literate.
Dahil dito, sinabi ni Villacorta na mas mainam na mag-hybrid na lang LTO sa kanilang mga proseso.
Pinahayag rin ng LTO OIC na palalawakin rin nila ang kanilang public assistance para hindi na lumapit sa mga fixer sa sidewalk ng East Avenue ang mga nag-aapply ng driver’s license.
Pagdating naman sa backlog sa mga plaka at lisensya, sinabi ni Villacorta na pinag-aaralan na nila ang mabilis na pagbili ng mga license cards sa loob ng dalawang buwan.
Ibinahagi ng opisyal na ang 5 milyong backlog ay talagang aabutin pa ng hanggang Nobyembre kaya ngayon ay may ikinokonsidera na silang emergency purchase.
Target aniya ng LTO na sa katapusan ng taon ay mag-normalize na ang sitwasyon. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion