Pinarada kaninang umaga sa pangunahing kalsada ng Iligan City ang iba’t ibang puwersang militar at kapulisan mula sa gobyerno. Ito’y pinangungunahan ng butihing alkalde ng lungsod, Mayor Frederick Siao, bilang pakikiisa sa ika-125 na anibersaryo sa Araw ng Kalayaan ng buong bansa.
Sa mensaheng binigay ni Mayor Siao, binigyan niya ng diin ang importansya ng mga karapatan at kalayaan ng bawat isa bilang Pilipino. Aniya, kahit sa panahong siya ang inaatake sa ilalim ng kalayaan ng bawat isa na makapaghayag ng saloobin at isip, hindi niya ito pipigilan bagkus ipaglalaban pa niya ang kanilang karapatan sa isang malayang pamamahayag o ang kanilang Freedom of Speech.
Samantala, nabanggit din ang pagbibigay halaga sa relihiyon o pananampalataya ng bawat Iliganon na ito’y dapat respetuhin. Ang pakikipaglaban sa lahat ng kalayaan at karapatan na ito ay para sa kinabukasan ng mga darating pang henerasyon ng bayan.| ulat ni Alwidad Basher| RP1 Iligan