Tiniyak ng Department of Tourism (DOT) na kanilang tutulungan ang mga tour guide sa Zamboanga Peninsula upang mapahusay pa ng mga ito ang pagganap sa kanilang trabaho.
Ito ang inihayag mismo ni Tourism Secretary Ma. Christina Frasco, matapos kilalanin ang mahalagang papel ng mga Tour Guide para sa pagpapalago ng industriya ng turismo sa nasabing lugar.
Ayon kay Frasco, sa pamamagitan kasi ng mga tour guide, hindi lamang naipakikita sa mga turista ang ganda kung hindi naipababatid pa nito ang taglay na yaman sa kasaysayan at kultura ng isang lugar.
Bilang tulong ng pamahalaan sa muling pagbangon ng turismo sa Zamboanga Peninsula, bibigyang pagsasanay ang mga tour guide dito para mapaangat ang kalidad ng kanilang ibinibigay na serbisyo.
Magugunitang nakipagpulong ang kalihim sa Mindanao Community-based Tourism Organization sa Zamboanga City, para sa planong pagbubukas muli ng Mindanao sa international tourists.
Dito, pormal ding ibinigay ng kalihim ang nasa P200,000 tulong pangkabuhayan para sa Sta. Cruz People’s Organization na siyang namamahala sa Sta. Cruz Island, kung saan makikita ang tanyag na “Pink Beach”. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: DOT