Tinatayang aabot sa humigit kumulang 300 pamilya ang nawalan ng tahanan matapos maabo ng sunog ang aabot sa 110 kabahayan sa Brgy. North Daang Hari sa Taguig City ngayong hapon.
Batay sa ulat ng Taguig City Fire Department, sumiklab ang apoy dakong 2:04 ng hapon kung saan, umakyat pa ito sa ikatlong alarma.
Naging pahirapan sa mga bumbero ang pag-apula sa apoy dahil pawang dikit-dikit ang mga kabahayan na nasa likod lamang ng gusali ng Department of Science and Technology – Metals Industry Research and Development Center (DOST-MIRDC).
Gayunman, dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan kaninang pasado alas-4 ng hapon, napadali ang trabaho ng mga bumbero sa pag-apula ng sunog.
Isa naman ang naitalang sugatan sa insidente na kinilalang si Consuelo Ugtal, 66 anyos na nahirapang huminga at namamaga ang kaliwang balikat.
Alas-5:51 ng hapon nang ideklarang fire out ang sunog kung saan, nag-iwan ito ng humigit kumulang P4 milyong halaga ng naiwang pinsala.| ulat ni Jaymark Dagala